Pasok kayo, ituring ninyong parang blog n'yo ba 'to?

Wednesday, February 24, 2010

Makesong-makesong-makeso


Makesong-makesong-makeso
(Papel na binasa hinggil sa poetika ng aking, haaaay, poetika ng aking pag-ibig para sa “Poets in Lab” noong Pebrero 23, 2010 sa Miriam College sa pagdiriwang ng buwan ng sining at pag-ibig)
JOSELITO D. DELOS REYES


Pwede naman talaga akong magsimula sa ilang walang hanggang taludtod mula kay Neruda. Bumigkas ng mga pamatay na linya galing kay Batute, tapos sisipatin ko sa lente ng kung sinong kritik-kritik, at iha-highlight pang lalo ang eternal at tulo-luha-sipong pag-ibig ng makata, at sasabihin ko: “ganyang-ganyan ang pag-ibig ko.” Sabay yuko, sabay hugot ng malalim na malalim na buntong-hininga. Tapos.

Pero hindi ko ito gagawin, sa halip, binigyan ako ng lisensiya ni Dr. Becky AƱonuevo para magpakakeso ngayong araw, ngayong oras na ito, kahit sampung minuto lang.

Bueno, heto na:

Kailan at paano ba ako huling humugot ng mga salita sa makesong sitwasyon ng aking buhay? Sa unang tanong, iyong kailan, ang sagot ko: hindi ko na matandaan. Iyong sa pangalawang tanong, iyong kung paano, ang sagot ko: hindi ako conscious kung paano, until nagkausap kami ni Becky days ago.

Madali naman talagang isatitik ang raw emotion, raw emotion iyong mabaliw-baliw ka sa nangyayari at gusto mong isulat—kahit gamit ay uling o dugo—ang lahat ng nadaramang drama. Iyong halos matunaw ang papel dahil sa pagbalong ng luha at sipon habang sumusulat, tapos nagkakabalu-baluktot ang letra kasi humihikbi ka habang sumusulat. O kaya, mas moderno ay iyong nanginginig ang daliri kapipindot sa keyboard nang two to three leters at a time kahit maliit naman talaga ang daliri mo. Guilty ako sa kasong ito noong una, noong unang panahong gusto ko pang maging mambeberso ng Valentines card ng Hallmark greeting cards. Natauhan lang ako nang basahin sa akin ng isang kasama sa Bolpen at Papel, samahan ng mga ambisyosong writer-writeran noong kolehiyo pa ako, na ayon yata kay Walt Whitman o Ezra Pound, hindi dapat isulat ang emosyon habang nagdedeliryo ka sa pag-ibig dahil pangit daw ang kalalabasan, hintayin muna daw ang paghupa ng lagnat saka sumulat. Matapos kong marinig ito, ikinompara ko ang aking tula-tulaang isinulat habang nagdedeliryo at iyong isinulat matapos bumaba ang aking temperatura: oo nga. Mas maganda kapag walang lagnat. Pero sayang dahil hindi ko na naitabi ang maraming naisulat ko habang nagdedeliryo para mabasa sana ngayon at malaman ninyo kung gaano talaga ka-chaka.

Magpapaka-formalist muna ako ngayon. Hindi dahil sa kapos ako sa metaphor kapag nagsusulat ako habang nagpuso-puso ang mata. Sa katunayan, marami pa nga akong metaphor noon halos bumaha, kaso hindi ko ito magamit nang maayos kung alipin ako ng emosyon. Dahil akong makatang alipin ng emosyon ay sisigaw at iparirinig sa madla kung gaano ako idinuduyan ng ligaya o ng—at mas madalas ito noon—ng pighati balu-baluktot man ang estetika. Dahil ayaw kong maglipas ang sandali na hindi naisasatitik (na kung maaari nga lang sana ay isulat ko sa dugo) ang aking raw emotion. Kaya karaniwan, at palagay ko’y karaniwan din sa mga nagsisimulang mambeberso, wala tuloy mabuong imaheng tutuntungan ang tula, walang gulugod, walang central imagery to borrow from the Russian Formalists. Hindi tuloy mapanghawakan ng mambabasa. Hindi tuloy makakuha ng simpatya ang tula-tulaan ko.

Siyempre natutuhan ko nang maging implicit sa tula. Hindi dahil sa implicit din ako kapag umiibig (baka nga kabaligtaran pa) kundi dahil gusto ko, at napatunayan kong higit na epektibo ang pagpapadaloy ng emosyon kung iimpitin at ipahihiwatig lamang ito sa mambabasa. Walang salitang pag-ibig sa tula. Walang salitang pagmamahal. Walang salitang hindi ko kayang panghawakan, walang hindi kayang ma-visualize ng mambabasa.

Ngunit hindi naman kailangang ipitin ang emosyon to the point na hindi mo na makilala ang luwalhati o pighating naramdaman. Sisiguraduhin kong ang pangunahing rekado ng aking tula ay ang emosyon. Iisa lamang naman ang layunin ko, ang mailagay sa eskaparate ng tula ang pag-ibig, na maaaring masaksihan ng mambabasa.

Ngunit nagtitira ako ng sa akin. Anumang pangyayaring may kinalaman sa kakesohan ng pag-ibig ay ninanamnam ko muna. Hihintayin kong pumayapa sa aking isip at damdamin bago isiwalat sa iba. Kung may natitira mang para lamang sa akin—sa amin—ay hindi nakapagtataka. Natural na mayroong para sa amin lamang ng aking minamahal.

Babalik ako sa pinakabatayang usapin sa pagsasatitik ng pag-ibig. Ano ang una ngunit pinakamahirap na requirement sa pagsulat ng makesong tula? Hindi ang mastery of words, hindi ang malalim na pag-unawa sa teorya ng panitikan, hindi ang imitasyon sa pinakamagagaling na makesong tula ng pinakamakekesong makata sa balat ng sandaigdigan. Oo, lahat ito ay mahalaga. Pero ano ang pinakamahirap na requirement? Dapat, umibig muna nang wagas.

Narito ang dalawa sa pinakamakeso kong tula:

Ito na siguro ang pinakamalapit sa pinakamakeso kong tulang nagdedeliryo noong aking isinusulat, circa 1990s, noong Milo pa ang poborito kong inumin:


Kung Bakit Kailangan Kong Magtago
At Sulyapan Ka nang Panakaw
Sa Tuwing Dadaan Ka sa aking Harapan

Buhawi ka kasing iniluwa ng ulap
O bagyong ipinaglihi ng dagat.
Lindol mula sa ubod ng mundo,
Bulkang nagmura ng apoy at abo.

Irog, sa tuwing ika’y daraan,
Isang malaking kalamidad ng puso
Ang aking nararamdaman.


Narito naman ang pakiwari ko’y impit. Pero makeso all the same.

Empake

Ganito yata talaga.
Gusto mo nang umalis
Pero waring ayaw daluyan
Ng dugo ang paa.
Nasasamid tuwing magpapaalam,
Baligtad ang sinasabi sa umiiral.
Iisa ang ngiti sa ngiwi,
Ang ngiwi sa ngiti.
Gusto mong sinsilin sa tingin,
Baunin sa memorya ang lahat
Ng kayang bitbitin ng pandama.
Ganito nga yata,
Waring handa na ang lahat
Maliban sa sariling
Hindi maiempa-empake.

Maraming salamat. Halina’t magpaalipin sa pag-ibig.


(Pasintabi kay Genaro Gojo Cruz dahil sa tono ng aking pamagat na halaw sa kaniyang Palanca Award Winning children's fiction na "Mahabang-mahabang-mahaba.)

Saturday, February 13, 2010

Workplace ko

Masarap isiping nagtuturo ako sa mga magiging guro dito sa Quezon sa isang paaralang mapagmahal sa sariling wikang patuloy na nililinang...




Mga kasama kong titser na pawang magagaling


Mesa ko kasama ang mga epektos sa pagtuturo






Ito ang pamatay... ano ang binatbat ng UP Bahay ng Alumni dito? Wala. Nyeta, isang malaking-malaking lapida ng politiko. This is where your taxes go...

Ganito ba ang kanal sa inyo?
















May krisis kaya kailangang magtipid ng tubig.


Sa Lucban, Quezon ang mga kanal na ito.

Tuesday, February 9, 2010

Monthsary


(Nanginginig ang boses) “Shit. After nineteen years, ganun na lang? Isang araw gigising ka na hindi mo na ko kailangan?”

(Umiiwas sa tingin, sa nanunumbat na tingin) “Yep. Hard to explain, but, but, but good times, you see, should come to an end, end that way, abruptly. So-sorry.”

“Sorry? Sorry? ‘Yun lang? Nag-decide ka without even considering me? Shit!”

(Tinitigan ang hawak na basong may malamig na lambanog) “Alam ko, hindi na kailangang ipagpabukas e.”

(Tutulo ang luha, manginginig ang boses) “Ganun, nagpapatawa ka ba? Hindi na kailangang ipagpabukas, ha ha, e sino ba ko? Sino? Shit, I’ve been with you nineteen years, nineteen years lang naman heaven sakes... tapos iiwan mo ko, walang pasabi, walang paalam kasi, kasi, kasi... hindi na puwedeng ipagpabuhuhukas...”

(Nakatingin pa rin sa laman ng baso, nakatungo, mahinang-mahina ang boses) “You see, before, still can’t imagine myself na, na, na wala ka... that hellish week.”

(Mahina ang boses, may pagmamakaawa) “Ganun naman pala e, kalilimutan ko ‘to, kalilimutan ko lahat, walang nangyaring ganito ngayon, just, just... let’s be together again, please. Please.”

(Iiling lang, nilagyan ng lambanog ang baso kahit marami pang laman)

“Pl-please?...”

(Iiling lang, ngumiti, tutusok ng pulutan sa plato)

(Nanginginig ang boses, barely audible) “Please?... You can do no wonderful things without me...”

(Iiling lang, ngingiti) “Hindi ko malalaman, unless I try. So I tried... I’m trying, I’m moving on, it’s been a month.”

(Nabuhayan ng loob, tumayo, ngumiti) “This is just a bad dream, a nasty dream, yeah, I know, hehehe, dito rin ‘to magtatapos. Napanaginipan ko na to e. Napanood ko na to sa teleserye. At bago ko magising you will say ‘You’re right, can’t live without you, blah blah blah’ happy ending, masarap ang gising, masarap ang kape.”

“No, no, hindi ‘to panaginip, hindi ka magigising... gising ka na... after a month, I’d say I’m happier... much happier without you. Sorry.”

(Magbabago ang timpla, manginginig sa galit, tutulo ang luha) “Hindi totoo ‘yan, you still imagine me beside you, naiisip mo ang good times memorable times between us, tinitingnan mo pa rin ang mga pictures natin together kahit pa kasama ang mga barkada mo... masaya.”

“Yep, naiisip ko pa rin...”

“E shit ‘yun naman pala e. Walang nagbago, hindi ko iisiping nangyari ‘to, I’ll consider this, this past month as a lull, bakasyon, regrouping, nag-recharge ka, heto na ‘ko, simulan natin uli...”

“No, kakayanin ko, kakayanin ko ang wala ka...”

“kasama mo ko sa paglaki Jowie... It’s fucking easy for you to say na iiwan ako, alin, katorse ka pa lang no’n di ba? Sa’n ka ba nanghiram ng tapang, ‘di ba sa ‘kin? Gwapo ka ‘pag kasama ko ‘di ba? Macho ka di ba? Matalino ka di ba? Magaling kang dumiskarte ‘pag kasama ko. Tapos you have the balls to tell me na kaya mong mabuhay nang wala ako? You’re weak Jowie, I know you, I know you like the crevices of my face, my palm... you are a weakling. Pwe!”

(Ngingiti, iiling) “I’m happy. ‘Yun lang. I’m happy.”

(Mag-iiba ang mood, pipiliting maging masaya, papahiran ang luha) “Remember, high school graduation, ansasaya n’yo nila Obet, Tan-tan, at Alon. May picture ka pa nun di ba? Blue polo shirt, gray slacks... tapos sa PNU, walang araw na hindi tayo magkasama. Sa work mo, as in every work mo ha, at marami ‘yun, every job you landed, tadaaaah, I’m with you. Those were the moments...just about every special moment.”

“I know, nang ikasal ako, nang ipanganak si Divine, birthdays...”

“And did I mention the deaths?... hard times noh, nanay mo, tatay mo, but you weathered it all, with me. Can’t live without me noh?”

“I can... I’m trying. I’m winning.”

“No, no, no ‘wag ka munang magsalita, this is just a lull. Shhhhhh... matatapos din ‘to. Kahit hindi ka mag-sorry tatanggapin kita, what’s nineteen years ‘di ba... tatanggapin pa rin kita. Walang tanong-tanong. Okay?”

“I’m winning... my family’s winning.”

“I’m part of your family. This is just a lull.”


“Shut up. I better be home.”
(Inistreyt ang lambanog)


“This is just a lull. Tatanggapin kita, open arms.”


“Get lost.”


“This is just a lull...”

“Fuck you.”














Sabi nga ng etiketa ng mga sigarilyo: “Government warning: cigarette smoking is dangerous to your health.”



Tumigil akong manigarilyo hindi dahil sa naniniwala na ako sa gobyerno.

Sunday, February 7, 2010

Mabilis lumaki si Bani








...nuff said.

Tanawin mula sa palengke



Isang ordinaryong Linggo sa isang ordinaryong bayan na may ordinaryong mamamayan...

na may sariling bundok


at dambuhalang dyipni na Mercedez Benz


at masikip na van patungo sa mall


at palengkeng may rooftop na puwedeng gawing reception sa debut at kasal (at lamayan?)at bible study (?)


at masasaya at nagmamahalang nilalang


at pako


at mais


at ang pagitang tatlumpong kilometrong Lucban-Lucena ay puwedeng lakbayin sa dyipni ng kuwarenta minutos